MANILA, Philippines — Armado ng ‘twice-to-beat’ advantage, tatangkaing dispatsahin kaagad ng Centro Escolar University at Che’Lu Bar and Grill-San Sebastian sa pagsisimula ng quarterfinal round ng 2018 PBA Developmental League Aspirants’ Cup sa Pasig Sports Center sa Pasig City.
Nagtapos sa ikatlong puwesto sa eliminasyon, hindi na pahihiritin pa ng Scorpions ang Zark’s Burgers-Lyceum Jawbreakers ng ‘winner-take-all’ Game Two sa sagupaan nilang nakatakda ngayong alas-4 ng hapon para makaabante sa semifinals.
Ito rin ang hangarin ng No. 4 Revellers kontra sa No. 5 Gamboa-St. Clare sa alas-2.
Hawak ang liderato sa buong torneo, nahulog sa ikatlong puwesto ang CEU matapos ang krusyal na 87-89 kabiguan kontra sa Batangas-Emilio Aguinaldo College Generals sa dulo ng eliminasyon.
Kung nanalo sana sa labang iyon ay aabante kaagad sa semifinals ang Scorpions kasama ang Akari-Adamson, ngunit sa halip ay natisod sila kaya dadaan pa sa quarterfinals.
Sa kabutihang palad ay pinapaborang maka-abante pa rin sa semis ang CEU lalo’t may sasandalan silang 91-85 tagumpay kontra sa Jawbreakers noong eliminasyon.
Aasa si coach Yong Garcia kina Orlan Wamar, Judel Fuentes at Joseph Manlangit upang trangkuhan ang misyon ng Scorpions na inaasahang maglalaro na wala si Congolese import Rod Ebondo na kasalukuyan pang kwestiyunableng bumalik dahil sa natamong back injury.
Ngunit hindi basta-basta padadaig ang Jawbreakers na susubok humirit ng Game Two sa pamumuno ni NCAA Season 93 MVP CJ Perez katuwang sina import Mike Nzeusseu, MJ Ayaay at sina JC at JV Marcelino.
Samantala, kahit wala ang lider na si Michael Calisaan bunga ng elbow injury ay kumpiyansa si coach Stevenson Tiu na malulusutan ng Revellers ang palabang Coffee Lovers lalo’t ginapi nila ito noong eliminasyon, 79-73.
Nagpalakas din ang Che’Lu papasok ng playoffs sa pagkuha kina JayR Taganas, Jeff Viernes at Cedrick Ablaza upang makasama nina Samboy De Leon, Alfred Batino at RK Ilagan sa pag-atake.
Tatangkain namang manilat ng Coffee Lovers upang mapanatiling buhay ang kanilang kampanya sa pamununo nina Aris Dionisio, Fil-Am Trevis Jackson at Malian big man Mohammad Pare.
Kung sinumang makakalusot sa quarterfinals ay lalabanan ang Akari-Adamson at Marinerong Pilipino sa semis.
Sinikwat ng Akari-Adamson at Marinerong Pilipino ang No. 1 at No. 2 berth, ayon sa pagkakasunod, sa pagtatapos ng eliminasyon mula sa pareho nilang 9-2 kartada.