MANILA, Philippines — Target ng Petron Blaze na palawakin sa siyam ang kanilang winning streak sa pagharap sa Sta. Lucia Lady Realtors ngayon sa pagpapatuloy sa second round elimination ng 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga Grand Prix sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Hawak ng Petron Blaze Spikers ang 8-0 win-loss kartada sa kanilang pagharap sa Lady Realtors sa alas-4:15 ng hapon habang nais ng Cignal HD na buma-ngon agad mula sa nakaraang talo sa pagharap sa nag-dedepensang F2 Logistics sa alas-7 ng gabi.
Inaasahang babalik na ang Amerikanong import na si Hillary Hurley mula sa injury kaya tiyak mahihirapan ang Lady Realtors sa matikas na laro nina Lindsay Stalzer, Mika Reyes, libero Yuri Fukuda, Francis Molina, Aiza Maizo-Pontillas, Rhea Dimaculangan, Chloe Cortez at Carmela Tunay.
Galing sa 20-25, 18-25, 25-22, 22-25 talo ang Lady Realtors sa mga kamay ng Cocolife Asset Managers noong Martes lamang kaya gusto ni coach George Pascua na bumawi agad para manatiling malakas ang tiwala ng buong koponan.
Sasandal si Pascua kina imports Marissa Fields, Bohdana Anisova, Kristin Moncks, Pamela Lastimosa, Fil-Am Mar-Jana Philips, Jonah Sabete, Michelle Laborte, Fil-Canadian Rebecca Rivera, Mary Grace Berte at Rubie de Leon.
Sa una nilang paghaharap, nagwagi ang Blaze Spikers, 25-21, 18-25, 25-17, 25-20 noong Pebrero 17 kung saan umiskor si 2016 MVP Stalzer ng 30 puntos at 18 mula kay Hurley kaya malakas ang tiwala ni Petron coach Shaq De Los Santos na mapapanatiling malinis ang kanilang record.
Samantala, hangad ng F2 Logistics na maulit ang kanilang three-set domination sa Cignal HD, 25-21, 25-17, 25-14, noong Marso 15 kung saan humataw ang reigning MVP na si Maria Jose Perez ng 16 puntos at tig-siyam na puntos sina Aby Maraño at Kennedy Bryan. (FCagape)