MANILA, Philippines — Pinangunahan ng kabayong Smart Candy ng SC Stockfarm-raised ang ikalawang leg ng Philippine Racing Commission (Philracom) 3YO Local Fillies and Colts Stakes Race noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park, Carmona, Cavite.
Agad kumaripas ang Smart Candy upang iwanan ang kanyang mga kalaban.
Inaasahan na ang maagang pagkawala ng Smart Candy dahil ito ang itinuring na paboritong manalo sa naturang karera.
Maging ang hinete nitong si Kelvin Abobo ay hindi nasorpresa sa tulin ng kanyang sakay na kabayo dahil alam nito ang kakayahan ng Smart Candy na masustinihan ang kalamangan na parte ng kanilang game plan.
“Ganun talaga laro ng kabayo ko, mas magaling siya kapag nasa unahan,” sabi ng 32-gulang na si Abobo. Nanalo ang Smart Candy ng P600,000 sa naitalang tagumpay at iginawad sa SC Stockfarm ang trophy ni Philracom Chairman Hon. Andrew Sanchez.
Mas naging matensiyon ang labanan para sa second at third place kung saan naungusan ng Here’s To Life ang Perlas ng Silanganan sa photo finish para sa P225,000 premyo.
Nag-uwi naman ang Perlas ng Silanganan ng P125,000 bilang third place habang ang fourth placer na Misha ay nag-uwi ng P50,000.
Bukod sa Philracom-sponsored race ay ang 11th year anniversary celebration ng Manila Horsepower Organization Inc. Racing Festival na inabangan ng bayang karerista.
As of presstime ay binobola pa ang programa ng mga karera para sa araw na ito.