HOUSTON – Kumamada si Eric Gordon ng 29 points mula sa bench habang nagtala si James Harden ng 26 points at 10 assists para tulungan ang Rockets na resbakan ang Boston Celtics, 123-120.
Inilista ng Houston ang kanilang season-high na 15-game winning streak.
Humugot naman si Marcus Morris ng 21 points buhat sa bench sa panig ng Celtics, nagtala ng four-game winning run matapos ang All-Star break.
Kinuha ng Celtics ang six-point lead bago nagpakawala ng 10-2 atake tampok ang three-point shot at fastbreak layup ni Trevor Ariza para agawin ang 117-115 bentahe sa huling 1:16 minuto ng fourth quarter.
Naimintis naman ni center Al Horford ang kanyang mga tira sa dalawang posesyon ng Boston.
Kumonekta si guard Chris Paul ng dalawang free throws sa natitirang 15 segundo para ibigay sa Houston ang four-point advantage.
Matapos ang split ni Gordon para sa 123-120 kalamangan ng Rockets sa nalalabing 2.3 segundo ay tumalbog ang tangkang triple ni Marcus Smart para sa Celtics sa pagtunog ng final buzzer.
Ang winning streak ng Houston ang pumantay sa second-longest sa kanilang franchise history na dalawang beses naitala noong panahon ni Hakeem Olajuwon noong 1990s.
Ang 22-game winning run ay itinala ng Rockets noong 2007-08 season.
Sa Cleveland, humataw si Gary Harris ng 32 points habang nagdagdag si Will Barton ng 23 markers para pamunuan ang Denver Nuggets sa 126-117 panalo laban kay LeBron James at sa Cavaliers.
Nagsalpak ang Nuggets ng 19 sa kabuuan nilang 35 three-point attemps, kasama dito ang tatlo sa huling 2:26 minuto ng laro para ipagpag ang paghahabol ng Cavaliers.
Tumapos si James na may 25 points, 15 assists at 10 rebounds – ang kanyang pang-13 triple-double sa season – para sa Cleveland.
Hindi naglaro si Cavaliers No. 2 scorer Kevin Love dahil sa kanyang nabaling kaliwang kamay.