Ayaw din talaga ni McGregor

MANILA, Philippines — Matapos si Ultimate Fighting Championship president Dana White, si mixed martial arts superstar Conor McGregor naman ang nagsabing hindi niya lalabanan si Manny Pacquiao sa ibabaw ng boxing ring.

Sa panayam ng TMZ sa New York, tinanong si McGregor, ang UFC lightweight titlist, tungkol sa naunang pahayag ni Pacquiao na gusto niyang sagupain ang Irish fighter sa isang boxing match sa Abril ng 2018.

Ayon sa 29-anyos na si MGregor, mas gusto niyang lumaban sa loob ng Octagon kesa sa ibabaw ng boxing ring.

“I think a true fight is what I want to do next,” wika ni McGregor sa video na ipinoste online kahapon. “MMA next.”

Kamakalawa ay sinabi ni White sa kanyang social media account na hindi na lalaban sa ibabaw ng boxing ring si McGregor, may exclusive contract sa UFC, matapos ang tenth-round TKO lost kay Floyd Mayweather, Jr. noong Agosto sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada.

“He’s not boxing anyone so calm down cry babies,” sabi ni White, ilang beses nang nakasagutan si Bob Arum ng Top Rank Promotions kaugnay sa pagkukumpara sa popularidad ng UFC sa boxing.

Sa kanyang unang boxing fight laban sa 41-an-yos na si Mayweather, nagbulsa ng higit sa $300 mil-yon, ay tumanggap si McGregor ng $100 milyon.

Gusto ni White na isagupa si McGregor kay UFC lightweight interim titlist Tony Ferguson sa susunod na taon.

“Tony is the interim champion, Conor is the champion, it’s the fight that makes sense. It’s the fight that has to happen,” sabi ni White. “It doesn’t make sense, it’s the fight that has to happen.”

Huling lumaban si McGregor noong Nobyembre ng 2016 nang angkinin ang UFC lightweight title matapos ang kanyang second-round TKO victory kay Eddie Alvarez.

Naisuko naman ni Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization welterweight crown laban kay Jeff Horn via unanimous decision loss noong Hul-yo 2 sa Brisbane, Australia.

Show comments