Eagles vs Tamaraws sa huling finals slot

MANILA, Philippines — Ang karapatang hamunin ang defending champion De La Salle University sa finals ang paglalabanan ngayong hapon ng season host Far Eastern University at elimination topnotcher Ateneo de Manila sa pagtatapos ng  Final Four ng UAAP Season 80 men’s basketball tournament  sa Araneta Coliseum.

Naipuwersa ng Ta-maraws ang do-or-die match ngayong alas-4:00 ng hapon matapos nilang burahin ang twice-to-beat incentive ng Blue Eagles noong Linggo sa pamamagitan ng 80-67 panalo.

Inamin ni coach Tab Baldwin na hindi sila komportable sa kinalalagyan nila ngayon kung saan posible pa silang matanggal matapos magdomina sa nakaraang double round eliminations.

Ngunit nangako naman silang sisikapin na hindi masayang ang kanilang pinaghirapan sa pamamagitan ng pagbawi ngayong hapon kung saan tatangkain nilang ibalik o madiskubreng muli ang dati nilang laro.

“We have to get back to understanding what we do well and sort of rediscover who we are,” wika ni Baldwin.

Sinabi pa ni Baldwin na kailangan na nilang iwan at kalimutan ang naitalang 13-1 win-loss record sa eliminations dahil hindi na ito bahagi ng playoffs.

Sa panig naman ng Tamaraws, itinanim naman sa isip nila ni coach Olsen Racela ang katotohanang wala pa silang nakakamit matapos ang panalo noong Linggo.

Dahil dito, muli silang magtatangka  na ma-upset ang aminado silang malakas na team na gaya ng Ateneo.

“We’ll see and try what we can do to stop a really strong team like Ateneo.”

Sasandigan sa gagawing pagbawi upang makabalik ng finals ang Blue Eagles sina Thirdy Ravena, Matt at Mike Nieto, Raffy Verano, Vince Tolentino,  Aaron Black, Chibueze Ikeh  at Isaac Go.

Tiyak namang muli silang tatapatan at sisikaping mapigilan nina Ron Dennison, Prince Orizu, Arvin Tolentino, Richard Escoto, Kevin Eboña, Jasper Parker,  Achie Iñigo at Hubert Can. FML

Show comments