MANILA, Philippines — Inaasahang makakatanggap ang mga Filipino medalists, sa pamumuno nina triple-gold winners Cielo Honasan, Cendy Asusano at Sander Severino, ng cash incentives matapos ang kanilang mahusay na ipinakita sa katatapos na ASEAN Para Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sinabi ni Philippine Sports Commission chairman William “Butch” Ramirez na humanga siya sa naging kampanya ng koponang humakot ng 20 gold, 20 silver at 29 bronze medals at tumapos sa fifth place.
“I’m happy of our team for finishing fifth from seventh last time and also the improved medal performance in spite of their handicap and situation,” wika ni Ramirez.
Nalampasan ng delegasyon ang seventh-place finish noong 2015 Singapore edition mula sa naiuwing 16-17-26 (gold-silver-bronze) medals.
Idinagdag ni Ramirez na susulatan niya si President Duterte para sa isang courtesy call sa Malacañang.
“I will write the President for the awarding,” wika ng PSC chief.
Humigit-kumulang sa P8 milyon, ang P5,370,000 dito ay para sa mga atleta, habang ang P2,685,000 ay para sa mga coaches, ang ibibigay sa mga medalists sa Kuala Lumpur Para Games.
Dinomina ni Honasan ang mga labanan sa 100m, 200m at 400m, habang namayagpag si Asusano sa javelin, discus throw at shot put.
Inaasahang magbubulsa ang dalawa ng tig-P450,000 bilang insentibo.
Ang gold sa Para Games ay nagkakahalaga ng P150,000, habang ang silver at bronze ay may katapat na P75,000 at P30,000, ayon sa pagkakasunod.
Ang kalahati ng prem-yo ng kanilang mga atleta ang tatanggapin naman ng mga coaches.
Nangibabaw naman si Severino sa individual standard para sa physically impaired at tinulungan ang standard at rapid teams para sa tagumpay.