Laro Bukas(Nouhad Nawfal Sports Complex)
9 p.m. Gilas Pilipinas vs Qatar
MANILA, Philippines - Dumiretso ang Australia at New Zealand sa kanilang ikalawang sunod na panalo, samantalang nakabangon naman ang South Korea at Japan mula sa kanilang mga opening-day losses sa 2017 FIBA Asia Cup sa Nouhad Nawfal Sports Complex sa Beirut, Lebanon.
Dinomina ng mga Boomers ng Australia ang Hong Kong, 99-58 habang binigo ng mga Tall Blacks ng New Zealand ang home team, 86-82.
Dahil sa kanilang 2-0 record ay kapwa umabante ang dalawang FIBA Asia newcomers mula sa Oceania region sa knockout stage.
Kasalukuyan pang naglalaro ang Gilas Pilipinas at Iraq habang isinusulat ito kung saan target ng Nationals ang outright seat sa knockout round.
Binuhay naman ng Korea at Japan ang kanilang tsansa matapos talunin ang Kazakhstan at Chinese Taipei, ayon sa pagkakasunod.
Pinadapa ng mga Lebanese noong nakaraang Martes, bumangon ang Koreans para pabagsakin ang Kazakhs, 116-55, na tinampukan ng kanilang 16 of 29 shooting sa three-point line.
Nagsalpak naman ang Japanese ng 10-of-22 clip sa 3-point range para talunin ang Taiwanese, 87-49.
Naglaro ang Korea at Japan na wala ang kanilang mga players na may injury sa frontline na sina seven-foot center Joji Takeuchi at naturalized player Quincy Davis, ayon sa pagkakasunod.
Itinaas ng Japan ang kanilang marka sa 1-1 sa Group D makaraang makalasap ng 68-84 pagkatalo sa Australia noong Martes habang may 1-1 baraha din ang Korea sa Group C.
Dahil parehong may 0-2 kartada ng Hong Kong at Kazakhstan ay kailangan nilang manalo sa kani-kanilang huling laro para makapasok sa knockout round.