MANILA, Philippines - Kaagad makakaharap ng Gilas Pilipinas ang 3D Global Sports ng Canada sa Hulyo 15 para sa pagbubukas ng kanilang kampanya sa 2017 Jones Cup kasunod ang siyam na sunod na laro sa nasabing Taipei invitational tourney bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto.
Matapos ang kanilang opening game kontra sa mga Canadians ay lalabanan ng Gilas ang Taipei A, Taipei B, Japan, Korea, Iraq, Lithuania, India at Iran.
“Nine games in nine days versus Lithuania, Canada, Iran, Korea, Japan, India, Iraq, ROC A and B. This year’s Jones Cup field is tough,” sabi ni Gilas coach Chot Reyes.
Itinuring ng Jones Cup organizers ang Gilas bilang isang bigating koponan kaya itinakda ang pagharap nila sa mga Iranians sa huling araw ng kompetisyon.
Limang beses dinomina ng Iran ang Jones Cup sa nakaraang walong taon habang naghari naman ang Gilas noong 2012 at pumangalawa sa mga Iranians noong 2015.
Nagkampeon ang Mighty Sports, ang Phi-lippine club team na nagparada kina dating PBA imports Al Thornton, Hamady N’Diaye, Vernon Macklin, Zach Graham at Mike Singletary noong 2016 Jones Cup.
Hinugot naman ng Gilas Pilipinas si TNT Katropa standby import Mike Myers bilang kanilang import para makatulong nina Fil-German Christian Standhardinger, Kobe Paras at Raymar Jose, kasama sa Gilas cadet pool na sasabak sa 2017 SEA Games sa Kuala Lumpur.
Samantala, wala pang kasiguruhan ang paglalaro ng Gilas sa FIBA Asia Cup sa Lebanon sa susunod na buwan dahil hindi ito tina-lakay sa PBA board meeting noong Huwebes.