MANILA, Philippines - Nagwagi sa tampok na karera ang deremateng Wo Wo Duck sa Klub Don Juan De Manila Anniversary race na ginanap sa Santa Ana Park kahapon.
Pinatungan ni jockey Pat Dilema, umalis na pinakahuli sa lahat ang anim na taong lalakeng kastanyong Wo Wo Duck na pag-aari ni Sixto S. Esquivias IV at kinukundisyon ni Renato R. Yamco.
Sa malaking bahagi ng karerang nailarga sa distansiyang 1,600 meters ay nanatili lamang sa hulihan ang Wo Wo Duck, kasama ang Exhilarated, Up And Away at Mistry Blue.
Ang nagdala ng bandera at animo’y mananalong Real Flames na nirendahan ni Rodeo R. Fernandez ay nag-umento pa hanggang sa huling kurbada patungo sa mahabang stretch run ng Saddle & Leisure Club sa Naic, Cavite.
Ang Real Flames ay naunang hinabol ng Strawberry Dawn, isang imported runner ng USA at ang isa pang imported runner ng Australia na Ava Jing Pot Pot.
Nang tila pangangapusan na ang Real Flames ay siya namang panigura ng Ava Jing Pot Pot na sinakyan ni Conrado P. Henson at nagparemate na rin ang Puting Biyaya, isang abuhing kabayo na pag-aari ni Tek Heng Chua.
Malakas pa mandin ang sigaw ng race callers kay Real Flames na animo’y hindi na aabutin pa hanggang sa meta. Pero walang anu-ano’y naroroon ang malakas na pagremate ng Wo Wo Duck na eksaktong tumapak sa finish line at may kalahating horselenght ang lamang sa Real Flames.
Tersero sa naturang laban ang bahagyang naliyamadong Puting Biyaya na ginabayan ng apprentice jockey. J.O. A. Guce Jr. sa pakarerang ito bilang respeto sa yumao nang KDJM Chairman Emeritus na si Don Antonio Floirendo Sr.
Nanalo sa President Albert Trinidad trophy race ang Dos Hermanos Island na dinala ni Dan Cama?ro gayundin ang Rochelle na nangibabaw sa President Sonny Arevalo trophy race. JM