Power Smashers sasandal kina Hyapha, Thipachot

MANILA, Philippines - Sasandalan ng Power Smashers ang kanilang mga veteran reinforcements na sina Amporn Hyapha at Kannika Thipachot ng Thailand sa pagsabak nila sa Premier Volleyball League Reinforced Conference na hahataw sa Linggo sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.

Halos dalawang linggo nang nasa bansa sina Thipachot at Hyapha at nagakroon na ng magandang relasyon kina Jovielyn Prado ng Arellano, Dimdim Pacres at Alina Bicar ng UST at Vira Mae Guillema at Katherin Villegas ng San Sebastian.

Naglaro na ang dalawang Thai players sa ilalim ni Power Smashers coach Nes Pamilar nang kanilang pagreynahan ng dalawang sunod na taon ang Shakey’s V-League Open Conference noong 2013 at 2014.

“Their conditioning is good but what we need right now is for the local players to help them,” sabi ni Pamilar.

Nagmula naman sina Pacres at Bicar sa pagkampan-ya sa UST na natalo sa La Salle sa UAAP Final Four.

Kaagad makakasukatan ng Power Smashers ang nagdedepensang Pocari Sweat Lady Warriors sa alas-4 ng hapon sa pagbubukas ng torneo.

Show comments