MANILA, Philippines – Muling magbabakbakan ang walong koponan para sa kampeonato ng UAAP Season 79 women’s volleyball tournament na magbubukas sa darating na Sabado.
Susubukang depensahan ng naghaharing kampeon na La Salle ang kanilang titulo ngayong taon na kanilang nasungkit matapos ang dalawang-sunod na taong kabiguan sa Finals.
Tinalo ng Lady Spikers noong Season 78 ang karibal na Ateneo Lady Eagles, 2-1 sa kanilang best-of-three Finals series upang mapanalunan ang kampeonato at makabawi sa nakaraang pagkatalo laban sa Lady Eagles noong Season 77 at Season 76.
Pamumunuan ng kanilang senior setter na si Kim Fajardo ang Lady Spikers na nagdesisyong tapusin ang kanyang five-year playing elligibility upang tulungan ang kanyang koponan sa kanilang kampanya ngayong season. Makakasangga ni Fajardo ang nagbabalik din na si Desiree Cheng, Majoy Baron, Dawn Macandili, at ang Finals MVP ng Season 78 na si Kim Dy, na siyang pupuno sa naiwang posisyon nina Mika Reyes, Cyd Demecillo at dating UAAP MVP Ara Galang.
Sa panig naman ng Season 78 runner-up na Ateneo, babandera sina Bea De Leon, Jhoanna Maraguinot kasama ang kanilang mga nagbabalik na manlalaro na sina Michelle Morente, Ana Gopico, Kat Tolentino at Maddie Maddayag sa pangunguna ng kanilang kapitan at playmaker na si Jia Morado.
Subalit, hindi magiging madali ang tatahaking landas ng La Salle at Ateneo patungong Finals dahilan sa anim pang koponan na puspusan ang naging paghahanda para sa kani-kanilang mga kampanya ngayong taon.
Isa sa mga paboritong koponan sa darating na season ang Far Eastern University na binubuo ng kanilang mga beterana sa pangunguna nina Bernadeth Pons at Remy Palma, kasama ang kanilang bagong starting setter na si Kyle Negrito.
Nariyan din ang kagagaling lang sa Japan na University of the Philippines, tinuldukan ang kanilang 13-taong hindi pagpasok sa Final Four noong nakaraang season, na pamumunuan nina UAAP Season 78 Rookie of the Year Isa Molde, Diana Carlos, Nicole Tiamzon, Kathy Bersola, libero Pia Gaiser, at team captain Ayel Estrañero. Kapwa nais namang makabalik sa Final Four ng University of Sto. Tomas at National University na parehong nagsanay sa Thailand sa offseason, na pamumunuan ng kanilang mga kapitan na sina Cherry Rondina para sa Tigresses at Jaja Santiago naman para sa Lady Bulldogs.
Tatangkain namang mas pagandahin ng Adamson at University of the East ang kanilang mga naging rekord noong nakaraang taon. Mamanduhan ng Amerikanang si Airess Padda ang Lady Falcons. FML