MANILA, Philippines - Nang malaman ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na payag si Manny Pacquiao na labanan si UFC superstar Conor McGregor sa isang boxing match ay kaagad itong nasabik.
Kaagad inutusan ni Arum si Top Rank president Todd duBoef na tawagan ang kaibigan niyang si UFC chief operating officer Lawrence Epstein.
“Todd has agreed to call Lawrence, and they have a great relationship, and tell him what Manny’s interest is and see what happens,” wika ni Arum sa panayam ng Yahoo Sports. “That’s it.”
Sa naunang panayam ng Fox Sports Australia ay sinabi ng Filipino world eight-division champion na handa siyang sagupain si McGregor.
Ngunit hindi sa loob ng UFC Octagon kundi sa ibabaw ng boxing ring.
Ngunit sinabi ni UFC president Dana White na hindi mangyayari ang bakbakan nina Pacquiao at McGregor kung kasama sa usapan si Arum.
“Listen, I love Manny Pacquiao,” wika ni White. “But I don’t love Bob Arum. You can tell Arum to save his money and not make any calls over here because we aren’t doing business with him.”
Nakatakdang itaya ni Pacquiao (59-6-2, 38 KOs) ang kanyang suot na WBO title laban kay Australian challenger Jeff Horn (16-0-1, 11 KOs) sa Abril.
Sinasabing inalok ni White ang retirado nang si American boxing legend Floyd Mayweather, Jr. ng $25 milyon para labanan si McGregor.
Ayon kay Mayweather, lalabanan lamang niya si McGregor kung bibigyan siya ni White ng $100 milyon.