Williams bida sa panalo ng Mavs

MEXICO CITY – Ipinakilala ni point guard Deron Williams ang kanyang sarili sa mga Mexicans.

Nagtala si Williams ng 23 points at 15 assists para ihatid ang Dallas Mavericks sa 113-108 panalo sa Phoenix Suns sa ikaapat na NBA regular-season game na inilaro dito sa Mexico.

Nag-ambag si Harrison Barnes ng 22 points kasunod ang 18 markers ni Dirk Nowitzki para sa Mavericks, winakasan ang tatlong sunod na kamalasan.

Umiskor naman si Devin Booker ng 29 sa kanyang 39 points sa fourth quarter para sa Suns habang kumolekta si Tyson Chandler ng 14 points at 19 rebounds laban sa dati niyang koponan.

Itinala ng Phoenix ang 59-57 abante sa halftime ngunit nagsalpak si Williams ng dalawang three-pointers at isang jumper para sa 17-4 atake ng Dallas para sa kanilang 76-63 bentahe papasok sa huling pitong minuto sa third quarter.

Nakalapit ang Suns sa apat na puntos matapos ang tres ni Booker sa huling 13 segundo ngunit nagsalpak si Dorian Finney-Smith ng dalawang free throws para tuluyan nang selyuhan ang panalo ng Mavericks.

Sa London, tumapos si Italian star Danilo Gallinari na may 18 points para tulungan ang Denver Nuggets sa 140-112 paggiba sa Indiana Pacers.

Tinapos ng Nuggets ang kanilang limang dikit na kabiguan at winakasan ang limang sunod na ratsada ng Pacers.

Naglista si Nikola Jokic ng 22 points at 10 rebounds habang may 21 markers si Wilson Chandler para sa Denver.

Nagsalansan naman si C.J. Miles ng 20 points at nagtala si Jeff Teague ng 14 points at 9 assists sa panig ng Indiana.

Show comments