MANILA, Philippines – Inilabas ng mga racing experts ang ilang kabayong dapat na bantayan ngayong gabi sa karerahan dito sa San Lazaro Leisure Park.
Nasa unahan ang Senyorita Ruth, isang apat na taong babaeng kabayong kulay puti na galing sa Australia at nakatakdang sakyan ni Mark A. Alvarez sa unang karera.
Ang Senyorita Ruth ay malakas na natersero sa huling laban sa likuran ng St. Suswa at Ayisha’s Pride nitong Disyembre 29.
Matatandaan na suspendido si Alvarez bago pumasok ang bagong taon, pero hindi pa alam kung kukursunadahin pa niyang sakyan ang Senyorita Ruth na malakas ang laban sa three year old & above maiden-A group.
Sa huling karera nailagay ang pinaka-mataas na grupo. At magandang panoorin rin ang labanan ng mga de-kalibreng mga kabayo.
Nangunguna sa listahan ang entry ni Mayor Benhur Abalos Jr., na Gentle Strength, limang taong babaeng kabayo na kulay kastanya na mula sa Ultimate Goal at Shadow Of The Moon.
Ang coupled runner nito na kilalang sprinter o debandera na Lakan ay isa namang lalakeng kabayong may limang taong gulang na rin na papatungan ni Andrew Dodong Villegas samantalang ang Gentle Strength ay gagabayan ni Jonathan B. Hernandez.
Isang deremate na panlaban ni Marlon Cunanan ang Dinalupihan na isang limang taong kastanyo na mula sa lahing Sigma at Full Of Fury. Siya ay sasakyan ni Pat Dilema. JM