MANILA, Philippines - Ang longshot horse na El Mundo na ginaba-yan ni apprentice jockey Mark M. Gonzales ang unang dehadong kabayo na nagwagi sa paglipas ng Kapaskuhan.
Sa isang handicap-9/10 merged na maituturing ring isang mini-stakes race dahil na rin sa kalidad ng mga nagsisaling kabayo ay napabilang ang kabayong El Mundo na pag-aari ni E.T. Galang.
Ang naging outstanding favorite na Real Flames na mas kilala dahil sa mga mas mabibigat na sinasalihang karera ay tila nanibago sa maputik na pista ng Santa Ana Park.
Ang imported runner mula USA na Haley’s Rainbow pa ang siyang unang nagdikta ng trangko at nagpakalayu-layo sa kanyang mga kalaban na umabot ng 10 lenghts na agwat.
Ang El Mundo na isang apat na taong alasang kabayo mula sa istalyong Real Spicy at Tereshova ay nanatili sa hulihan ng grupo. Nang papalapit na sa huling likuan ay may apat na horselenght na lamang ang layo ng Haley’s Rainbow.
Dito nagsagawa ng matinding pagremate ang El Mundo at Gonzales na prenteng nilagpasan ang Haley’s Rainbow samantalang nagparemate rin sa may gitna ng obalo ang second pick na Puting Biyaya na sinakyan ni Fernando M. Raquel Jr.
Unang nakatapak sa meta ang El Mundo sa bilis na 1:18-2/5 na may quarter time na 7.0; 21.5; 23.5 at may dating pang 27.5 sa may 1,300 metro distansiyang karera.
Nasegundo rin ang Puting Biyaya sa forecast na 3/1 combine at P238.50 dividend at tersero ang Haley’s Rainbow para sa P715.20 trifecta.
Nagpamigay naman ng P2,038 dibidendo para sa pang-apat ang Real Flames sa ating quartet. (JM).