MANILA, Philippines - Nagkaaberya sa karera sa Metro Turf noong Linggo at marami ang nangamba na baka hindi na matuloy ang mga pakarera lalo na ang pinaka-highlight na Ambassador Eduardo M. Cojuangco, Jr. Cup.
Ang sanhi ng problema ay ang hindi paggana ng mga betting machines na nakakalat sa mga off-track betting stations, OTBs. Marami ang hindi nakakatanggap ng mga taya.
Sa unang karera pa lamang ay matindi na ang pag-aalala ng mga karerista lalo na iyong mga gustong malaman kung sino nga ba ang magwawagi sa tampok na karera.
Ang “slight delay” na palaging inilalagay kapag sa mga ganitong pagkakataon ay naging “heavy delay.” At nairaos rin naman ang unang karera, maski pa kakarampot lang ang inabot na bentahan sa takilya.
Ang mga karerista ay sadyang maparaan naman. Ang iba ay nagtakbuhan na sa ibang OTBs na kung saan ay naka-on line ang kanilang linya ng tayaan.
Nang lumarga ang ibang karera ay may nakapag-abiso naman na okey na ang mga linya ng mga betting machines ngunit ang iba sa mga ito ay nanatiling off-line pa rin.
Dahil na rin sa pagkainip ng mga kabayo ay biglang naiba ang trending.
Nang magwagi si Sakima sa tampok na karera, agad siyang sinundan ng dehadong Liliput na pinatungan ni Christian M. Pilapil. Pagkatapos nito ay nagsisunod rin ang mga dehadong Suave Saint at Cleave Ridge.
Nagsipanalo rin ang Secret Affair, Leonora’s Angel, Headmastership, Magnitude Eight, Rhapsody Blues, Lucky Gunner, Go Ada Go, Mayumi at Now And Forever. (JMacaraig)