MANILA, Philippines – Napatunayan ni Smokin Saturday na siya ang pinaka-mahusay na kabayo na may edad dalawang taon nang maging kampeon siya sa ginanap na 4th leg ng Juvenile Fillies Stakes race kahapon dito sa Saddle & Leisure Park sa Santa Ana, Naic, Cavite.
Sa pagbukas pa lamang ng aparato ay naging alerto na ang Smokin Saturday nang kunin agad nito ang unahan mula sa mga kalabang Bossa Nova at White Chocolate.
Sa prenteng pagdadala ni Jonathan B. Hernandez, naiporma niya ito ng maayos sa unahan. Pagdating sa medya milya ay nagbigay naman ng kaunting pang-aabala ang Bossa Nova na inaayudahan na nang husto ni Fernando M. Raquel Jr.
Sa puntong ito, sobrang layo sa kanila ng White Chocolate na nirendahan naman ni Mark M. Gonzales at nakitang umiksi ang kalamangan ng mga naglulutsahang sina Smokin Saturday at Bossa Nova.
Mula rito ay pinangapusan na ang Bossa Nova habang ang Smokin Saturday ay tila hugando nang namama-yagpag sa unahan.
Pagtawid sa meta ay malayo na ang agwat ng sorpresang nasegundong White Chocolate na inabutan din sa ikalawang puwesto ang unang bumuliglig sa paboritong nanalo.
Tinapos ng Smokin Saturday na isang alasan mula sa istalyong Any Given Saturday at inahing Smokin ang may milyang karera sa bilis na 1:42-4/5 na nagrehistro ng kuwardos na 25.5; 23.5; 25.5 at huling 28 segundo.
Ang panalo ay nangahulugan ng P900,000 unang premyo para sa koneksyon na R.G. Inigo, Donato S. Sordan at J.B. Hernandez.
Ang breeder’s purse na P60,000 ay napanalunan rin. JM