MILWAUKEE - Humataw si Kevin Durant ng 33 points, habang humugot si Klay Thompson ng 25 sa kanyang 29 points sa second half para akayin ang Golden State Warriors sa 124-121 panalo laban sa Bucks.
Ito ang pang-pitong sunod na arangkada ng Warriors.
Nagtala ang Warriors ng 14-point lead bago sindihan nina Jabari Parker at Giannis Antetokounmpo ang 13-4 bomba sa fourth quarter para idikit ang Bucks sa 120-122 agwat sa hu-ling 2:12 minuto ng laro.
Inasahan ng mga Bucks fans na muling magugulantang ng Milwaukee ang Golden State sa Bradley Center kagaya noong nakaraang season.
Hindi nakaiskor ang dalawang koponan sa kani-kanilang mga po-sesyon bago natapik ni Draymond Green ang inbounds pass ng Bucks para kay Antetokounmpo sa huling 10 segundo na nagresulta sa dalawang free throws ni Thompson sa natitirang walong segundo para sa four-point lead ng Warriors.
Tumapos si Antetokounmpo na may 30 points, habang nagdagdag si Parker ng 28 sa panig ng Milwaukee.
Sa Philadelphia, umiskor si Joel Embiid ng career-high 26 points sa loob ng 20 minutes nang igupo ng Philadelphia 76ers ang Phoenix Suns, 120-105 sa kanilang ikaapat na sunod na impresibong panalo ngayong season.
Nagdagdag si Nik Stauskas ng season-high na 21 points sa kanyang 8-for-9 shooting para sa Sixers na 3-3 sa kanilang huling anim na laro matapos simulan ang season sa pitong sunod na talo.
Tumapos si Sergio Rodriguez ng eight points, 11 assists at eight rebounds.
Pinangunahan ni Eric Bledsoe ang Phoenix (4-10) sa kanyang 27 points. Talo ang Suns ng tatlo sa kanilang unang apat na laro sa kasalukuyan nilang six-game road trip.