No. 21 jersey ni Duncan ireretiro ng Spurs

SAN ANTONIO -- Hindi na dapat umasa ang mga long-time fans para sa isang himala ukol sa muling paglalaro ni Tim Duncan para sa San Antonio Spurs.

Ang tanging pagbabalik na gagawin ni Duncan sa AT&T Center ay sa Dec. 18 kung saan pormal na ireretiro ng San Antonio ang kanyang jersey sa isang seremonya bago ang laban ng Spurs kontra sa New Orleans Pelicans.

Ang No. 21 jersey ni Duncan ang magiging pang-walong Spurs player na ireretiro ng franchise matapos ang numero nina David Robinson (50), George Gervin (44), James Silas (13), Johnny Moore (00), Sean Elliott (32), Avery Johnson (6) at Bruce Bowen (12).

Nagretiro si Duncan noong July matapos maglaro ng record na 19 seasons para sa San Antonio at iginiya ang koponan sa limang NBA championships. Inaasahan nang mahihirang siya sa Nais-mith Memorial Basketball Hall of Fame sa 2021, ang unang taon ng kanyang eligibility.

Ang tinaguriang ‘The Big Fundamental’ ay ang all-time leader ng Spurs sa points (29,496), rebounds (15,091), blocked shots (3,020), minutes (47,368) at games played (1,392) at pangatlo sa assists.

Sa NBA history, si Duncan ay panglima sa all-time list sa double-doubles (841) at blocks, ikaanim sa rebounding at pang-14 sa scoring.

Show comments