MANILA, Philippines - Itinala ni Mark Harry Diones ang kanyang personal best jump para burahin ang siyam na taong gulang na national triple jump record sa PATAFA weekly relays sa Philsports Complex sa Pasig City noong Linggo.
Lumundag ang 22-gulang na si Diones, tubong Libmanan, Camarines Sur na isang Criminology graduate sa Jose Rizal, ng 16.29 meters upang lampasan ang 16.12 marka ni Joe-bert Delicano sa 2009 Vientiane Southeast Asian Games.
Ang performance ni Diones ay humigit sa SEAG silver medal standard na 16.20m na itinala ni Thai Varunyoo Kongnil at bronze medal mark na 15.92m ni Vietnamese Nguyen Van Hung sa Singapore noong nakaraang taon.
Nakuha ni Malaysian Muhammad Hakimi Ismail ang gold sa nilundag na 16.76m na isang SEAG record.
Si Diones ang fourth placer sa Singapore.
Ang bagong record ay opisyal na kinilala ni PATAFA secretary-general Renato Unso at board member Janet Obiena dahil lumundag si Diones na ang hangin ay below 2.0.
Sinabi ni national coach Jojo Posadas, sumalo kay Diones mula kay dating jumper Samson Calisura, na sa pamamagitan ng tamang training, may tsansa ang kanyang alaga na manalo ng gold sa 2017 SEAG edition sa Malaysia sa susunod na taon.
“We need to step up his training and compete more internationally and hopefully, he gets better for next year’s SEAG,” sabi ni Posadas ukol kay Diones, multiple gold medallist sa NCAA kung saan naglalaro ito para sa Jose Rizal. (FML)