4-0 record target ng Petron

MANILA, Philippines - Itataya ng Petron at ng defending champion Foton ang kanilang malinis na rekord laban sa Cignal sa pagpapatuloy ng 2016 Philippine Superliga Grand Prix sa San Juan Arena mamayang hapon.

Kasalukuyang hawak ng Petron ang liderato ng standings dala ang kanilang 3-0 panalo-talo matapos talunin ang RC Cola-Army noong Huwebes, 25-23, 23-25, 25-18, 25-19.

Bagama’t masaya sa magandang itinatakbo ng kanilang koponan, sinabi ni bagong Petron head coach Shaq Delos Santos na malayo pa sila sa kanilang gustong makuha at ito ay ang kampeonato ng Grand Prix na kanilang napanalunan dalawang taon na ang nakakaraan.

Haharapin ng Tri-Activ Spikers ang Cignal sa ganap na alas-12:30 ng tanghali.

Sa labang ito, aasa-hang muli ng Petron ang kanilang mga mahuhusay na imports na sina Serena Warner at Stephanie Niemer na miyembro ng F2 Logistics Manila, ang koponan na siyang lumahok sa katatapos na FIVB Women’s World Club Championships na ginanap sa bansa.

Gumawa ng 24 puntos si Niemer upang ma-nguna sa kanilang panalo kontra sa RC Cola-Army.

Aasahan naman ng HD Spikers ang ipapakitang laro ng kanilang mga imports na sina Laura Schaudt at Lynda Morales at ang suporta nina Mylene Paat at setter Shawna-Lei Santos.

Makakaharap naman ng Tornadoes ang RC Cola-Army bandang alas-5:00 ng hapon.

Hangad na paigtingin ng Foton ang kanilang kapit sa pangalawang puwesto habang nais namang makabawi ng Lady Troopers sa kanilang pagkatalo sa kamay ng Petron.

Makakatapat naman ng kapapanalo pa lamang na F2 Logistics ang wala pang panalong Generika sa ganap na alas-3:00 ng hapon. (FML)

Show comments