MANILA, Philippines - Nagwagi ang University of Sto. Tomas Lady Tigresses kontra sa Laoag Power Smashers, 25-22, 25-27, 18-25, 27-25, 15-12 upang masungkit ang unang slot ng semifinal round sa Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference noong Miyerkules ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Pinangunahan nina Chery Rondina at EJ Laure ang ikalimang panalo ng Lady Tigresses sa anim na laban para makabangon sa pagkatalo sa mga kamay ng Bureau of Customs sa straight sets noong Sabado.
Si Rondina na hindi nakalaro ng apat na laban dahil sumali sa 79th UAAP beach volleyball tournament ay humataw sa ikalimang set sa kanyang malakas na palo para tapusin ang laban na umabot sa mahigit dalawang oras.
Nagpasiklab si Laure, anak ng dating PBA star Eddie Laure, sa ikatlo at ika-apat na sets para burahin ang kalamangan ng Power Smashers.
Umani si Laure ng 22 hits sa kanyang pagsisikap habang si Marivic Meneses ay tumulong din ng 14 at 13 kay Rondina para sa UST, ang most winningest team sa torneo sa kanilang anim na championship titulo.
Tanggap din ni Gretchel Soltones ang pagkatalo na nagpabagsak sa Laoag sa three-way tie sa ikalimang puwesto kasama ang University of the Philippines at Philippine Air Force sa parehong 2-3 win-loss slate.
Nasa likod lang ng UST ang Customs Transformers sa kanilang 3-1 slate at tabla sa ikatlong puwesto ang Pocari at BaliPure sa parehong 2-1 card.
Si Soltones ay tumapos na mayroong 27 hits ngunit hindi pa rin sapat para pigilan ang Lady Tigresses sa malaking panalo.
Samantala, abot kamay na rin ni Alyssa Valdez ang ikatlong Most Valuable Player (MVP) award matapos manguna sa statistical race, dalawang linggo ang nakalipas sa torneo.
Si Valdez na lumalaro sa Customs Transformers, ang Open at Collegiate MVP sa nakaraang taon ay naglikom na ng 23 puntos kada laro para pangunahan ang scoring category sa kabuuang 92 puntos na may kasamang 72 kills, limang blocks at 15 service aces.
Sumunod kay Valdez si EJ Laure ng UST na mayroong 75 at nasa ikatlong puwesto si Carla Sandoval sa kanyang 56 points.
Si Jorelle Singh ng Laoag ay ikapat sa 51 at ang American import na si Breanna Mackie ng Pocari ay panglima sa kanyang 50. (FCagape)