Pocari Sweat dumiretso sa semis ng Shakey’s V-League

MANILA, Philippines – Patuloy ang pag-angat ng Pocari Sweat Lady Warriors sa standings ng Shakey’s V-League Open Confe­rence nang talunin ang Baguio Summer Spikers kahapon sa iskor na 25-18, 25-17, 25-15 sa FilOil Flying V Arena sa San Juan.

Tulad ng inaasahan ay nahirapan ang Summer Spi­kers sa Lady Warriors, dala ng karanasan at kahusayan ng mga manlalaro ng Pocari Sweat na hindi ina­lintana ang pagkawala nina Myla Pablo at Michelle Gumabao para umabante sa semifinal round.

Lumamang ng malaki sa bawat set ang Lady Warriors para sa kanilang ikaapat na sunod na panalo at ipinalasap sa Summer Spikers ang pang-apat na dikit nitong kamalasan.

Hindi nakalaro sina Gumabao at Pablo, nagtala ng average na 18 at 14 hits a game, ayon sa pagkakasunod, dahil sa injuries.

Nag-ambag si Elaine Kasilag, naglaro para sa Per­pe­tual Help-Biñan at ang ikatlong highest scorer ng Pocari sa kanyang 13 hits a game, ng 9 points.

Pinainit naman ni Gyselle Sy, isang rookie setter mu­la sa Far Eastern University, ang opensa ng Lady Warriors sa kanyang 37 excellent sets.

Sa ikalawang laro, binulaga naman ng dehadong Laoag ang Air Force,  25-14, 25-23, 25-23.

Sa Spikers’ Turf Open Conference, nanaig ang Philippine Air Force Airmen (2-1) laban sa Bounty Fresh Soaring Griffins (0-2) sa iskor na 25-20, 25-17, 25-17.

Dinomina ng Airmen ang huling set ng laro kung saan lumamang sila ng 11 points, 22-11.

Sinubukan pang bumalik ng Soaring Griffins sa pamamagitan ng 6-1 run nang ipasok sa laro ang mga bench players subalit kinapos din sa dulo.

“Gusto ko rin kasing ma-try yung ibang player namin,” pahayag ni Air Force coach Rhovyl Verayo. “Minsan kasi hindi natin maiwasan, sana hindi naman mangyari sa amin, na magka-injury. At least ready ‘yung mga pamalit ko dun sa labas. Habang malaki ‘yung lamang nagamit ko sila at mag-gel din sila.”

Umiskor naman ng 12 puntos si Philip Bagalay na nag-iisang manlalaro ng Bounty Fresh na umabot sa double digits. FMLumba

Show comments