MANILA, Philippines – Bibisita si naturalized player Andray Blatche sa pagdribol bukas ng National Pambansang Tatluhan finals sa Mall of Asia Music Hall para bigyan ng inspirasyon at kumpiyansa ang mga kalahok na batang lalaki at babae.
“Andray (Blatche) will make a special appearance. He contacted me to have an emersion program with the Filipino youth,” wika ni Sama-hang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director Sonny Barrios.
Kabuuang 32 teams na hinati sa boys at girls division ang matutunghayan sa nasabing whole-day event para sa mga players na may edad 16-anyos pababa.
Magiging bisita si Blatche sa maikling opening ceremony sa alas-11 ng umaga bagama’t magsisimula ang mga laro sa alas-7 ng umaga.
Sumabak ang kabuuang 584 teams sa qualifiers na ikinagulat ni Barrios lalo na sa hanay ng mga batang babae.
“It’s a pleasant surprise na naka-16 na finalists kami sa girls (division). Maraming sumali. Akala namin walo lang ang papasok,” wika ni Barrios sa naturang torneo, isang buwan bago pamahalaan ng SBP ang Manila leg ng Olympic Qualifying Tournament sa Mall of Asia Arena.
Idinagdag ni Barrios na ang 3x3 tournament ay isa lamang sa mga bagay na pinagtutuunan ng SBP bukod pa sa kanilang grassroots development at women’s basketball.
Matapos ang nasabing torneo ay idaraos naman ng SBP ang 2018 FIBA 3x3 world championships.
“It’s a prestigious hosting and it was given to us,” sabi ng dating PBA commissioner. “Sixteen teams will be participating, and these are all national teams not club teams.”