MANILA, Philippines – Dasal at suporta ang babaunin ng Gilas Pilipinas sa kanilang gagawing pagsasanay sa Europe bago sumabak sa pinaghahandaang 2016 FIBA Olympic Qualifying Tournament sa July 5-10 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“On behalf of our basketball team, keep us in your thoughts, keep us in your prayers, and most importantly keep us in your hearts,” ani head coach Tab Baldwin sa isang send-off ceremony kahapon na pinamunuan ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan.
Umaasa si Pangilinan na muling makakapaglaro ang bansa sa Olympic Games matapos ang 44 taon.
Ilang tune-up games ang gagawin ng Nationals sa Europe bilang bahagi ng kanilang preparasyon para sa Manila OQT na lalahukan din ng France, New Zealand, Canada, Senegal at Turkey.
Ang naturang qualifying tournament ang pinakahuling tsansa ng Pilipinas para makakuha ng tiket sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro Brazil sa Agosto.
Kasama ng Gilas Pilipinas sa Group B ng Manila OQT ang France at New Zealand, habang nasa Group A naman ang Turkey, Canada at Senegal.
Kaagad makakasagupa ng Gilas Pilipinas ang France, pangungunahan ni San Antonio Spurs’ point guard Tony Parker, sa Hulyo 5 kasunod ang New Zealand kinabukasan.
Ang maghahari sa nasabing six-team qualifier ang makakasikwat ng Olympic spot para sa 2016 Rio Games.
Nakasama ni Baldwin sa nasabing seremonya sina June Mar Fajardo, Marc Pingris, Ryan Reyes at Gabe Norwood.
Tutulak bukas ang Nationals patu-ngong Europe para sa kanilang gagawing training sa Greece, Turkey at Italy bago bumalik sa bansa para sa Manila OQT.