MANILA, Philippines – Bagama’t nakapaglaro na sa Game Five at Game Six, inamin ni San Miguel coach Leo Austria na hindi pa 100 percent ang kondisyon ni back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo.
Sa kanilang panalo laban sa Alaska sa Game Five ay nagpumilit si Fajardo na ipasok ni Austria sa laro kung saan siya tumapos na may 13 points.
Umiskor naman ang Cebuano giant na may 16 markers sa kanilang ikatlong sunod na panalo sa Game Six.
Hindi nakalaro ang 6-foot-10 na si Fajardo sa Game One, Two, Three at Four matapos magkaroon ng hyperextended left knee injury sa semifinals showdown ng Beermen at Rain or Shine Elasto Painters.
Matapos makaiwas sa tangkang sweep ng Aces ay itinulak ng Beermen ang Game Seven para pag-agawan ang korona ng 2016 PBA Philippine Cup sa Miyekules.
“Wala ng percentage, percentage. Ibibigay ko na ang lahat kasi wala na eh, ‘yun na ‘yung last game,” wika ni Fajardo. “Pagkatapos nun, may pahinga naman. Kailangan ibigay na ang lahat.”
Hangad ng San Miguel na makagawa ng kasaysayan para makamit ang kanilang pang-22 PBA championship.
Sa anumang sports ay wala pang koponang nakakabalik mula sa 0-3 pagkakabaon para manalo sa isang serye.
“Last game na ‘yung Game 7. Lahat ng players, lahat ng teams, pinangarap makalaro sa finals,” sabi ni Fajardo, kinilalang Best Player of the Conference.
Nauna nang tinakasan ng Beermen ang Aces sa Game Seven ng nakaraang PBA Philippine Cup Finals bago winalis ang huli sa kanilang title series sa Governor’s Cup.