TORONTO, Philippines -- Kumolekta si Kyle Lowry ng 26 points at 10 assists, habang umiskor din si DeMar DeRozan ng 26 points nang maglista ang Toronto Raptors ng isang franchise record sa kanilang ika-10 sunod na panalo.
Tinalo ng Raptors ang New York Knicks, 103-93, na kinatampukan din ng 11 points at 18 rebounds ni Jonas Valanciunas.
Tumipa naman si Arron Afflalo ng 20 points sa panig ng Knicks, nadup-lika ang kanilang season high na apat na sunod na kabiguan.
Naglaro ang New York na wala sina starters Carmelo Anthony, Kristaps Porzingis at Jose Calderon.
Nalampasan ng Raptors ang kanilang siyam na sunod na panalo noong March 22 hanggang April 9, 2002.
Sa New Orleans, pinantayan ni Ryan Anderson ang kanyang career high na 36 points para akayin ang Pelicans sa 114-105 panalo kontra sa Sacramento Kings.
Nanalo ang Pelicans kahit na wala ang mga may injury na sina All-Star Anthony Davis at Tyreke Evans.
Nagdagdag si Jrue Holiday ng 25 points at 8 assists para sa New Orleans habang may 17 points si Norris Cole bukod pa ang 10 assists.
Humakot si DeMarcus Cousins ng 26 points at 10 rebounds para sa Kings, nalasap ang ikatlong dikit na kamalasan, habang may 26 points si Ben McLemore.
Tumapos si Rajon Rondo na may 17 points at 15 assists.
Sa Memphis, umiskor si Jeff Green ng 21 points at kumolekta si Marc Gasol ng 15 points at 8 rebounds sa 103-83 paggupo ng Grizzlies sa Milwaukee Bucks.
Nag-ambag sina Courtney Lee, Tony Allen at Matt Barnes ng tig-13 points para sa Memphis.
Pinamunuan ni Greg Monroe ang Bucks sa kanyang 21 points kasunod ang 15 ni Khris Middleton at 10 ni Michael Carter-Williams.