NU Bullpups dumiretso sa 11-0 record

MANILA, Philippines – Tatlong panalo pa ang kailangan ng National University para ganap nang makuha ang outright Finals berth matapos ilista ang 82-58 panalo laban sa University of Santo Tomas sa UAAP Season 78 juniors basketball tournament sa Filoil Flying V Arena.

Nagposte ang Bullpups, nakatiyak na ng post-season slot, ng 31-point lead laban sa Tiger Cubs para sa kanilang 11-0 record.

Kumamada si John Lloyd Clemente ng 14 points at may 13 si Justine Baltazar bukod pa sa 12 rebounds para sa panalo ng NU.

Tumiyak naman ang De La Salle-Zobel ng playoff para sa isang semifinals spot nang itakas ang 85-74 panalo kontra sa UP Integrated School, habang buma-ngon ang defending champion Ateneo mula sa malamyang panimula para talunin ang University of the East, 96-58 at angkinin ang solo third.

Tumabla ang Far Eastern University-Diliman sa Adamson University sa fourth place mula sa kanilang 60-55 panalo.

Itinaas ng Junior Archers, pinamunuan ng 22 points ni Aljun Melecio, ang kanilang record sa 9-2 at iniwanan ang Blue Eaglets (7-4) sa labanan para sa ikalawang twice-to-beat slot sa Final Four. Nagpasabog si Jolo Mendoza ng 25 points sa pagbaklas ng Ateneo mula sa four-point lead sa second half para makabangon sa kanilang naunang kabiguan sa De La Salle-Zobel.

Naglista si Jun Gabane ng 18 points at nagtala si Kenji Roman ng 12 points at 15 boards para makatabla ang Baby Tamaraws sa Baby Falcons sa 6-5.

May 3-8 baraha naman ang Tiger Cubs para sa sixth spot, habang nananatili sa ilalim ang Junior Maroons (2-9) at Junior Warriors (0-11).

 

Show comments