MANILA, Philippines – Bagama’t tiyak na mababawasan ang panahon para sa pangangampan-ya sa darating na national elections sa Mayo dahil sa gagawin niyang pag-eensayo ay naniniwala naman si Manny Pacquiao na maiintindihan siya ng mga botante.
“Siguro naman maiintindihan ako ng mga tao,” sabi ng Filipino world eight-division champion sa panayam ng ABS-CBN News sa kanyang pagbabalik sa bansa kasama ang asawang si Jinkee noong Sabado ng gabi mula sa press tour sa United States.
“Sa akin, kailangang mag-prepare dito para sa karangalan ng ating bansa. Kailangan maipanalo natin hanggang sa huli. Kailangan natin ng honor para sa ating bansa. Para sa ating lahat din ito,” dagdag pa ni ‘Pacman’.
Nakatakdang labanan ni Pacquiao si world welterweight titlist Timothy Bradley, Jr. sa kanilang pangatlong paghaharap sa Abril 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sisimulan ng 37-anyos na si Pacquiao ang preparasyon para sa kanilang upakan ng 33-anyos na si Bradley sa susunod na buwan sa General Santos City at lilipat sa Wild Card Boxing Gym ni trainer Freddie Roach sa Hollywood, California dalawang linggo bago ang laban.
“Start na tayo siguro ng training para maipanalo natin itong huling fight,” wika ni Pacquiao, nagdesisyon nang magreretiro matapos ang kanilang ‘tri-logy’ ni Bradley.
Ito na ang magiging pinakahuling laban ni Pacquiao bago tuluyang isabit ang kanyang boxing gloves para tutukan ang kanyang political career kung saan hangad niya ang isang silya sa Senado.
Inamin ni Pacquiao na maaapektuhan ng kanyang gagawing pagsasanay at pagharap kay Bradley ang panga-ngampanya niya para sa Senatorial seat.
“Short time lang ako makakapag-campaign pagkatapos ng fight,” wika ni Pacquiao. “Pero alam naman siguro ng mga tao na tumatakbo ako para sa ating bansa, sa karangalan ng ating bansa.” (RC)