OAKLAND, Calif. – Kaagad nag-alay ng panalo ang nagdedepensang Golden State Warriors sa pagbabalik ni coach Steve Kerr.
Kumamada si Stephen Curry ng triple-duouble sa kanyang 39 points, 12 assists at 10 rebounds para ibigay kay Kerr ang season debut win sa 122-110 panalo ng Warriors laban sa Indiana Pacers.
Nagbalik si Kerr mula sa isang leave of absence sapul noong Oct. 1 dahil sa komplikasyon makaraang sumailalim sa dalawang back surgeries.
Ito ang ika-38 sunod na home game victory ng Warriors sa Oracle Arena para duplikahan ang itinala ng 1985-86 Boston Celtics team para sa third-longest home winning streak all-time.
May 20-0 record ang Warriors sa kanilang tahanan ngayong season.
Ito ang ikalawang triple-double ni Curry ngayong season at pang-pito sa kanyang career.
Humakot naman si Draymond Green ng 22 points at 11 rebounds.
Si Curry ang naging unang player sa NBA history na kumonekta ng 200 triple sa apat na sunod na seasons.
Ang tanging player na may higit sa apat na seasons na kumonekta ng 200 triples ay si Ray Allen sa limang seasons.
Bilang first year coach ay iginiya ni Kerr ang Warriors sa franchise-best na 67 wins at ang una nilang NBA championship matapos ang 40 years.
Nang magbakasyon si Kerr ay si interim coach Luke Walton ang naghatid sa Golden State sa NBA record na 24-0 start at 39-4 record.
Bumalik si Walton sa kanyang dating posisyon bilang top assistant.
Sa Los Angeles, tumipa si Manu Ginobili ng season-high na 20 points at nagdagdag ng 18 si Kawhi Leonard para igiya ang San Antonio Spurs sa 108-95 panalo laban sa Lakers.
Ito ang ika-13 sunod na ratsada ng Spurs.
Tumapos naman si Kobe Bryant ng 5 points para sa Lakers.
Ginunita ng Lakers ang ika-10 anibersaryo ng pagkakatala ni Bryant ng 81 points, ang second-highest scoring performance sa NBA history, kontra sa Toronto Raptors.