NEW YORK CITY – Mula sa kalayuan ay pinanood ni Jinkee Pacquiao ang kanyang asawang si boxing superstar Manny Pacquiao habang sinasagot ang tanong ng media sa press conference sa Madison Square Garden.
Pinakinggan ni Jinkee ang paggiit ng 37-anyos na si Pacquiao sa kanyang desisyon na magretiro sa sport matapos ang ikatlo nilang paghaharap ni American Timothy Bradley sa April 9 sa Las Vegas.
“It’s sad to say that this will be my last fight. I have to focus on a bigger res-ponsibility – to help the people. But it’s good that I will end my career in a good way,” wika ni Pacquiao.
Nagsilbi naman itong musika sa tenga ni Jinkee. “Masaya ako na nagdesisyon na siyang mag-retire kasi matagal ko nang hinihintay ‘to. Matagal ko nang gusto eh. Akala ko hindi na siya lalaban uli,” aniya.
Subalit alam ng kasalukuyang vice governor ng Sarangani kung saan naman second-term congressman ang kanyang asawa, na may kontratang dapat tapusin si Pacquiao sa Top Rank.
“May contract siya na kailangan niyang i-honor. Pero nagulat ako dahil hindi naman niya sinabi sa akin ‘yung tungkol sa announcement niya,” ani Jinkee.
Ilang beses nang sinabi ni Pacquiao na ito na ang kanyang magiging farewell fight.
“Masaya ako at pati mga anak namin masaya lalo na ‘yung mga babae, ewan ko lang ‘yung mga lalaki. Parang wala lang sa kanila,” wika ni Jinkee.
Kapag natapos na ang lahat ng ito kung saan niya pinanood ang asawang lumaban sa loob ng 20 taon ay aminado si Jinkee na marami siyang hahanapin.
“Siguro mami-miss namin ‘yung pagpunta sa Las Vegas para panoorin siyang lumaban. Next time na pupunta kami doon, magbabakasyon na lang kami ng buong pamilya,” ani Jinkee.
Maaari na ding tutukan ni Pacquiao ang kanyang mga kababayan, lalo na kapag nanalo siya bilang Senador sa May 9 elections.
“Magagampanan na niya ‘yung res-ponsibilidad niya at wala nang masasabi yung ibang tao sa laging pag-a-absent niya sa Congress. Wala na sigurong magiging issue,” ani Jinkee. “Wala na masasabi ang tao. Full time na siya sa politics,” dagdag pa nito.
Tinanong si Jinkee kung naniniwala siyang huling laban na talaga ito ni Pacquiao: “I will continue praying that he never returns to fight again,” aniya.