NEW YORK CITY – Kung may pinakatatakutang bagay man si Freddie Roach na mangyari bago ang pinakahuling laban ni Manny Pacquiao, ito ay ang muling masaktan ang kanang balikat ng Filipino fighter at tuluyan nang mabigo kay Timothy Bradley.
Nagpunta si Pacquiao sa kanyang doctor sa Los Angeles noong Martes at sinabi ni adviser Mike Koncz na wala nang dapat ipag-alala sa balikat ni Pacquiao.
“It’s a hundred percent okay,” sambit ni Koncz.
Nagkaroon si Pacquiao ng torn rotator cuff sa kanang balikat ilang linggo bago ang kanilang super fight ni Floyd Mayweather Jr. noong May 2 at muling lumala ang naturang injury sa fourth round.
Halos 11 buwan na ipi-nahinga ni Pacquiao ang kanyang kanang balikat at ngayon ay handa nang muling harapin si Bradley sa ikatlong pagkakataon sa MGM Grand.
“I’m worried about that shoulder (ma-injury) and if that happened we can end up losing,” wika ni Roach sa press conference sa Madison Square Garden.
Nagmula pa si Roach sa Los Angeles para sa press conference at kaagad na nilisan ang Big Apple matapos ang lahat ng bagay para sa promos-yon ng April 9 fight nina Pacquiao at Bradley.
Kinakabahan si Roach na baka maulit ang injury ni Pacquiao bago at sa oras ng laban.
“It could happen,” ani Roach ukol sa posibilidad n matalo si Pacquiao.
Ngunit naniniwala ang trainer na muling maipapakita ni Pacquiao ang kanyang pamatay na porma para sa final fight niya kay Bradley.
“I expect Manny to be at his best. I expect Manny to knock him out this time,” sabi ni Roach.
Nakatakda nang mag-retiro si Pacquiao matapos ang kanyang laban kay Bradley para tutukan ang pagiging politiko at pagtulong sa kanyang mga kababayan kung mananalo sa Senado sa May 9 elections.
Ipinangako ni Pacquiao na tatalunin niya si Bradley sa pamamagitan ng isang knockout.
Sinabi ni Roach na hindi kayang pagsabayin ni Pacquiao ang pagiging isang senator at fighter.