MANILA, Philippines – Kukumpletuhin ng dalawang players na naging major stars at isang legendary coach ang 2015 awardees na pararangalan sa Collegiate Basketball Awards na inihahandog ng UAAP-NCAA Press Corps at Smart Sports sa Enero 26 sa Saisaki-Kamayan sa EDSA.
Tatanggapin nina San Beda guard Arthur dela Cruz at University of Santo Tomas forward Ed Daquioag ang Impact Player awards.
Ibibigay naman kay legendary coach Aric del Rosario, dating mentor ng UST Tigers, ang Lifetime Achievement Award.
Kikilalanin din sina Arellano University guard Jiovanni Jalalon at La Salle star Jeron Teng sa event na suportado ng ACCEL Quantum-3XVI, Gatorade, UAAP Season 78 host University of the Philippines, NCAA Season 91 host Mapua, San Miguel Corporation at Philippine Sports Commission.
Si Jalalon ang hinirang na Accel Court General trophy, samantalang tatanggapin ni Teng ang Gatorade Energy Player award.
Sina Dela Cruz at Daquioag ang naging dalawang best players sa college basketball sa nakaraang season nang tumapos bilang runner-up ang Red Lions at Tigers sa NCAA at UAAP, ayon sa pagkakasunod.
Makakasama naman ni Del Rosario si dating San Beda high school mentor Ato Badolato sa listahan ng mga nanalo ng nasabing award para sa paggiya niya sa UST sa UAAP four-peat run noong 1993-1996.
Nagsilbi rin si Del Rosario bilang mentor ng Perpetual Altas sa NCAA.
Nangunguna sa mga awardees ay sina Nash Racela ng FEU at Aldin Ayo, dating Letran mentor at ngayon ay nasa La Salle, na tatanggap ng top coaching honors matapos ihatid sa kampeonato ang kanilang mga koponan sa UAAP at NCAA.