SAN ANTONIO – Humataw si Tony Parker ng 24 points at gumamit ang San Antonio Spurs ng matinding opensa sa pagsisimula ng fourth quarter para talunin ang Cleveland Cavaliers, 99-95.
Nanatiling walang talo ang Spurs sa kanilang homecourt ngayong season at nakaganti sa Cavaliers sa kabiguan sa sarili nilang balwarte.
Nagdagdag si Kawhi Leonard ng 20 points at 10 rebounds para sa San Antonio, nakamit ang kanilang ika-10 sunod na panalo.
Tumapos naman si LeBron James na may 22 points, habang humakot si Tristan Thompson ng 18 points at 14 rebounds sa panig ng Cleveland, napigilan ang eight-game winning streak.
Pinalawig ng Spurs ang kanilang home winning streak sa 23 games ngayong season.
Ito ang ika-32 sunod na panalo ng San Antonio sa kanilang balwarte simula noong 2015.
Huling nakalasap ang Spurs ng home loss nang matalo sa Cavaliers sa overtime, 128-125 noong March 12 kung saan kumamada si Kyrie Irving ng 57 points.
Nalimitahan naman ngayon si Irving sa 16 points mula sa 6-for-16 shooting.
Sa Philadelphia, nagtala si Jimmy Butler ng career-high na 53 points at humugot si E’Twaun Moore ng pito sa kanyang 14 points sa overtime para ihatid ang Chicago Bulls sa 115-111 panalo sa 76ers.
Nagposte din si Butler ng 10 rebounds at 6 assists para tulungan ang Bulls na wakasan ang three-game losing skid.
Si Butler ang naging unang Chicago player na nakaiskor ng 50 points matapos si Jamal Crawford noong 2004.
Tumipa naman si Robert Covington ng 25 points kasunod ang 24 ni Ish Smith sa panig ng Philadelphia.
Naglaro ang Bulls na wala sina star guard Derrick Rose (problema sa tuhod) at starting center Pau Gasol (pinagpahinga).
Sa London, nagsalansan si Kyle Lowry ng 24 points, habang may 19 si Cory Joseph para igiya ang Toronto Raptors sa 106-103 overtime win laban sa Orlando Magic dito sa O2 Arena.
Nagtumpok si DeMar DeRozan ng 13 points at 11 rebounds para sa ikaapat na dikit na panalo ng Raptors.
Tumapos naman si Victor Oladipo na may 27 points kasunod ang 21 ni Evan Fournier para sa Orlando.