MANILA, Philippines – Isang matinding pagremate ang ginawa ng tambalang John Alvin Guce at Eugenie para manalo at makapagpasikat sa PRCI Anniversary race noong Linggo sa Santa Ana Park.
Huling lumabas sa limang kasali, ang Eugenie na isang imported thoroughbred mula Australia at panlaban ng Santa Clara Stockfarm na kinukundisyon ni Tito E. Santos ay unti-unting umusad papalapit sa mga kalaban hanggang sa tawirin ang meta na may tatlong horselenght pang layo sa pumangalawa sa kanya.
Sumegundo naman ang Epic na pag-aari ng top horseowner na si Narciso O. Morales para sa pabu-yang P67,500 samantalang tersero ang isa pang imported runner na Limoncello para sa P37,500 purse. Ang pumang-apat na Mr. Minister ay nakuntento naman sa P15,000 sa pakarerang inisponsoran ng Philippine Racing Commission.
Sa iba pang naging kaganapan sa ating karera nitong Linggo ay pinangunahan naman ng Blow By Blow na pag-aari ni Valentin Guerra at ginabayan ni A.P. Asuncion ang mga matinding dehado nagsipanalo matapos manguna sa isang three year old & above maiden race.
Tinalo niya ang outstanding favorite na si Blue Plate na pumangalawa lamang. At dahil sa panalo ni Blow By Blow ay tumaas sa P82,898 ang naging dibidendo sa ating unang winner take all.
Ang isa pa ring dehado na Handsome Hunk na pinatungan ni Norberto K. Calingasan ang nanalo sa handicap-4.
Sa paratingan ng unang set ng take all ay ang dehado ring Prodigy na sinak-yan ni Val Dilema ang nakaungos sa kanyang mga kalaban na Humble Tiger at Amiable Leighla.
Sa mga pinandiin na paborito ay ang Blue Sapphire na dinala ni R.R. Camañero ang unang nanalo. Hindi rin binigo ng paboritong Windy Star ang kanyang mga backers sa isang PRCI special race-19.
Nakapagpasikat rin bilang paborito ang Bull Star Rising sa isang special race-17 gayundin naman ang top pick na Run Atop na naipanalo ni apprentice Mark M. Gonzales sa isa pang special race-17.
Tatlong mga paborito pa ang nagsipanalo sa huling tatlong karera na sina Blue Phoenix na nirendahan ni Esteban De Vera, Tribal Wit na dinala ni J.A.A. Guce at si Dowry na ipinanalo uli ni apprentice Gonzales.
Samantala, dalawang New Year Racing Festival ang ilalarga nga-yong gabi ng San Lazaro. (JM)