MANILA, Philippines – Hindi hamak na mas maskulado si world welterweight king Timothy Bradley, Jr. kumpara kay Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Kaya naman naniniwala si trainer Naazim Richardson na tatalunin ni Bradley si Pacquiao sa kanilang ikatlong paghaharap sa Abril 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“Tim Bradley can beat anybody in that weight class. On a good night Bradley can beat anybody in that weight class. I know for a fact that his father instilled a lot of things in him as an amateur,” ani Richardson. “Tim Bradley can fight, he’s proven it and he finds a way to win.”
Ang 33-anyos na si Bradley ang kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) welterweight titlist.
Kamakailan ay inihayag ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na pinili ni Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) na muling labanan si Bradley (33-1-1, 13 KOs) sa ikatlong pagkakataon.
Sinasabing ito na ang magiging pinakahuling laban ni ‘Pacman’ bago tuluyang magretiro.
Ang dalawa pang naunang ikinunsidera para labanan si Pacquiao ay sina WBO light welterweight ruler Terence Crawford (27-0-0, 19 KOs) at Amir Khan (31-3-0, 19 KOs).
Nanalo si Bradley sa kanilang unang laban ni Pacquiao mula sa kontrobersyal na split decision noong Hunyo 2012.
Nakabawi naman si Pacquiao sa kanilang rematch noong Abril 2014.