MANILA, Philippines – Sakali mang maplan-tsa ang ikatlong pagtatapat nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley, Jr. ay hindi mananalo ang American world welterweight titlist.
Ito ay sa kabila ng pagkuha ni Bradley, ang kasalukuyang World Boxing Organization welterweight king, ng bagong trainer sa katauhan ni Teddy Atlas.
“I don’t think so,” sabi ni Jeff Maywea-ther, ang uncle/trainer ni Floyd Mayweather, Jr., sa panayam ng On the Ropes Boxing. “I thought he (Bradley) got beat both times, and he got beat fairly easy both times.”
Ginulat ni Bradley (33-1-1, 13 KOs) si Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) sa pamamagitan ng kontrobersyal na split decision victory noong Hunyo ng 2012 bago nakaresbak ang Filipino world eight-division champion sa kanilang rematch noong Abril ng 2014.
Iniwan ni Bradley ang dating trainer na si Joel Diaz para kunin si Atlas.
“I don’t think that Teddy Atlas – or anyone else – can help him win,” sabi ni Jeff Mayweather kay Bradley. “He may do a little better, but at the end of the day, Tim’s been in a lot of wars since the last time they fought.”
Naidepensa ni Bradley ang inagaw niyang WBO title kay Pacquiao nang talunin si Russian challenger Ruslan Provodnikov sa isang madugong laban noong 2013.
“He may have more wear and tear on him than Pacquiao does,” dagdag pa ni Jeff Mayweather sa mga dinaanang laban ng 33-anyos na American fighter.
Kamakailan ay sinabi ni Bradley na mas gusto niyang labanan si Puerto Rican superstar Miguel Cotto kaysa harapin si ‘Pacman’ sa pangatlong pagkakataon.
Isa si Bradley sa mga nasa listahan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions para labanan si Pacquiao sa Abril 9, 2016 bago tuluyang magretiro para tutukan ang kanyang political career.
Ang iba pa ay sina world light welterweight king Terence Crawford (27-0-0, 19 KOs) at ang dating world four-division titlist na si Adrien ‘The Problem’ Broner (31-2-0, 23 KOs).
Hanggang ngayon ay wala pang pinipili ang 37-anyos na si Pacquiao para sa kanyang pinakahuling laban. (RC)