MANILA, Philippines – Kung may boksingero mang balak resbakan ni world super bantamweight champion Nonito Donaire, Jr. ito ay si Cuban two-time Olympic gold medalist Guillermo Rigondeaux.
Ayon kay Donaire, ibang ‘Filipino Flash’ ang makakasagupa ni Rigondeaux sa kanilang rematch.
“There are two essential things, the first is that I feel good, and the second is that I’m very healthy. The difference in this Nonito is the mentality. Today I feel inspired and committed to what I want and I have to do,” wika ni Donaire sa panayam ng ESPN Deportes.
Muling napasakamay ni Donaire (36-3-0, 23KOs) ang World Boxing Organization super bantamweight crown matapos talunin si Mexican fighter Cesar Juarez (17-4-0, 13 KOs) via unanimous decision noong Disyembre 12 sa San Juan, Puerto Rico.
Nauna nang isinuot ng 33-anyos na tubong Talibon, Bohol ang WBO belt noong 2012 hanggang maagaw ito ni Rigondeaux (16-0-0, 10 KOs) sa kanilang unification fight noong Abril ng 2013.
Matapos ang naturang pagkatalo kay Rigondeaux ay umakyat si Donaire sa featherweight division kung saan siya nanalo ng dalawang sunod.
Tinalo siya ni Jamaican star Nicholas Walters noong Oktubre ng 2014 sa Carson, California.
Nagdesisyon si Donaire na bumalik sa super bantamweight class para sa hangaring muling makakuha ng championship title.
Tinalo ni Donaire si Juarez para angkinin ang binakante ni Rigondeaux na WBO super bantamweight crown.
“I’m back to 122 pounds, I’ve come to regain control, I want to regain the division and do what I need to do,” ani Donaire “If Rigondeaux is still here I would love nothing more than to have the opportunity to face him again and let him deal with this Nonito,” sabi ni Donaire.