Biseng Bise nagningning kontra imported runners

MANILA, Philippines – Sa ating nai-feature noon ay nasabi nating mayroong tila mini-stakes race na magaganap sa obalo ng San Lazaro Liesure Park dito sa Carmona Cavite. Ito ay ang local versus imported runners.

At tanging ang Biseng Bise ang locally-bred horse na sumagupa sa pitong mga imported horses na nagmula lahat sa Australia. At nangyari nga ang talagang inaasahan.

Nagningning ang husay at bilis ng Biseng Bise kontra sa kanyang mga kalaban noong nakaraang Disyembre 18.

Ginabayan ni Mark A. Alvarez, ang may apat na taong kastanyang kabayo ay naipalundag ng maayos ni Alvarez. Saglit niyang ibinigay ang pangunguna sa Irish Toffee na sinakyan ni Rems M. Ubaldo sa unang pagliko ng kurbada at nasakunod naman ang Eugenie na nilatigo ni J.A. Guce at ang Caramel ni C.J. Reyes.

Nang mag-medya milya ay muling iniusad ni Alvarez ang pambatong kabayo ni Macka E. Asistio III para mapalapit sa Irish Toffee at muling tangkaing kunin ang trangko. Nakuha naman nina Alvarez at Biseng Bise na makuha ang abante bago pa maghuling kurbada.

Sa pagkakataong iyon ay siya naman din ang pagpapalakas para makapagparemate ng Eugenie na pinatungan ni John Alvin Guce at Our Angel’s Dream na nirendahan ni C.P. Henson, habang papaubos na ang lakas ng dati’y nangu­ngunang Irish Toffee.

Sa pamamagitan ng hand-ride ay nakuhang manalo ng unang paboritong Biseng Bise na kasali rin sa papuri ang nagkun­disyon ditong si Conrado Vicente para angkinin ang panalo ng may tatlong horselenght na agwat mula sa Our Angel’s Dream na nakaungos kay Eugenie para sa ikalawang puwesto. Pang-apat pa rin ang Irish Toffee.

Kahit pa naging isa sa mga paboritong nanalo nang gabing Disyembre 18, 2015 ay naging malaki pa rin ang dibidendo sa ating paboritong winner take all na umabot sa P12,242.

Dehado kasi ang nagwagi sa unang karera na Gifted Pal na naipanalo ni Antonio B. Alcasid Jr., sa unang karera.

Sa ating pick six ay katamtaman lang ang prem­yong P517.00 sa bawat isang ticket, gayundin sa ating pick five na P273.00 sa kada ticket na nanalo at P82.40 barya naman na maituturing sa ating pick four na pabuya.

Doon nga sa unang karera na nanalo ang Gifted Pal ay nagkaroon ng P190,213 carry over sa ating super six event. Ang bumuo ng kumbinasyon ay ang Gifted Pal, Rolling Mill, Whispering Hope, Prinz Lao, Cat Toys at Stronghold.

Agad din naman itong nasungkit sa ating super six event na nangyari sa huling karera na ang kumbinasyong nanalo ay 9-10-3-1-8-11 na ang mga kaba­yong bumuo ay ang Heart Of A Bull, Mi Bella Amore, Humble Submission, Hola Alonso, Mezzanine at Corragioso.

Show comments