MANILA, Philippines – Sa apat na huling apat na araw na mga pakarera ng San Lazaro Leisure Park ay mayroong mga matitinding dehadong kabayo na ikinasaya ng mga dehadista dahil tinamaan nila ito.
Una na nating banggitin ang pinaka-dehadong kabayong nagwagi nitong nakaraang Disyembre 17, 2015. Sa pinaka-huling karera bumulaga ang dehadong si Tabing Ilog na ipinanalo ni Cristopher V. Garganta.
At dahil na rin sa panalo niya ay nagtaasan ang mga premyo sa ating mga exotic betting events. Sa paborito nating winner take all ay naging P16,405 iyon. Sa pick six ay umakyat din sa P3,360 at maging sa pick five ay P2,315 na bukod tanging si Tabing Ilog lang ang dehado. Sa pick four ay P528.00 ang pabuya bagama’t ang mga liyamadong sina Cinderella Kid, Splash Of Class at Lady Of Diamonds ang nakasama niya.
Sa pagsapit natin ng Martes ng Disyembre 22, ay bumulaga kaagad ang panalo ng dehadong si Smart Guru na ginabayan ni Jessie B. Guce sa isang handicap-4 race. Dito ay tinalo niya ang higit na mga inaasahang entries na si Warlock ay pumanglima lang at ang mga paborito pang sina Taal Volcano at Colonial Star ay sa quartet lang pinakinabangan.
Isa pa rin si Gio Conti na nagpalaki ng premyo. Dahil kasama sa winner take all at pick six ay malaki ang ipinakinabang ng kanilang mga backers. Sa take all kasi ay P26,770 ang siyang naging balik tama sa bawat isang ticket na P2 lamang. At sa ating pick six naman ay P5,193 ang naging tubo sa bawat isang ticket.
Dahil sa mga paborito na ang nakasama sa ating pick five at pick four ay bumaba naman sa P331.00 at P30.20 barya ayon sa pagkakasunod ang iyang naging umento ng nasabing mga exotic bettings.
Tila lalong nagpursige ang mga dehado nang limang magkakasunod na nagsipanalo sila nitong nakaraan lang na Miyerkules. Sa ating paboritong winner take all ay P509,893 ang siyang dibidendo. Sa pick six ay P82,534 at sa pick five ay P3,829 na talagang makakapagpasaya ng Pasko sa mga nagsitama. Sa pick four ay okey pa rin ang P801.00 para pagsaluhan sa masaganang pagkain.
Unang nagpasikat ang dehadong si Silver Wizard na dinala ni John Alvin Guce sa isang handicap-2. Tinalo niya ang super mega outstandng favorite na si Cat’s Delight na masyadong minagaling ng mga karerista at maraming nag-single rito sa pagpili.
Ang panalo ni Silver Wizard ay dinugtungan pa ni Dixie Indy na si Jessie B. Guce naman ang gumabay. Hindi rin nagpabaya ang isa pang dehadong si He He He nang ihatid siya sa meta ni J.V. Ponce at talunin ang outstanding pick na si Real Flames. At para mas lalong matindi ay kumana rin ang mga dehadong sina Lifetime na pinatakbo ni L.F. De Jesus at kumabit sa isa pang dehadong si Red Cloud ni Val Dilema na dumaig din kay oustanding choice na si Providence.