MANILA, Philippines - Kinumpirma ni SBP president Manny V. Pangilinan kamakalawa na natugunan na ng Pilipinas ang lahat ng hinihingi ng FIBA para magsumite ng formal bid sa pamamahala sa isa sa tatlong Olympic qualifying tournaments sa July 4-10 sa susunod na taon.
Sa simula ay 10 bansa ang nagpahayag ng interes na mag-bid para sa Olympic qualifiers.
Ang mga ito ay ang Pilipinas, Czech Republic, Germany, Greece, Iran, Israel, Italy, Mexico, Serbia at Turkey.
Noong Nobyembre ay inihayag ng FIBA na ang Pilipinas, Czech Republic, Germany, Italy, Serbia at Turkey ang natitirang maglalaban-laban para maging host ng isa sa tatlong World Olympic Qualifiers.
Ang mga siyudad na maaaring pagdausan ng torneo ay ang Manila (Pilipinas), Prague (Czech Republic), Hamburg (Germany), Turin (Italy), Belgrade (Serbia) at sa isang lugar sa Turkey.
Malaki ang posibilidad na umatras ang Turkey dahil sa kasalukuyang nangyayari sa kanilang bansa.
Ngunit kung ipupursige ng Turkey ang kanilang bid ay maaari silang maging top contender dahil sa pamamahala nila sa FIBA World Cup noong 2010.
Ang mga main basketball arenas ng Turkey ay ang 10,000-seat Halkapinar Sports Hall sa Izmir, ang 7,500-seat Kadir Has Arena sa Kayseri, ang 11,000-seat Ankara Arena sa Ankara at ang 12,500-seat Abdi Ipekci Arena at ang 16,500-seat Sinan Erdem Dome sa Istanbul.
Nagbayad ang Pilipinas ng bidding fee na 20,000 Euros noong Oktubre at naisumite na ang candidature files na hinihingi ng FIBA isang linggo bago ang Nov. 11 deadline. Nauna nang itinakda ng FIBA ang paghahayag sa tatlong winning bidders noong Nov. 23 at nagsagawa ng draw para sa tatlong Olympic qualifying tournaments sa Nov. 24 sa kanilang head office sa Mies malapit sa Geneva, Switzerland.
Ngunit inilipat ng FIBA ang announcement sa Jan. 19 matapos ang 9-man Executive Committee meeting na magdedesisyon sa tatlong winning bidders.
Ang draw para sa tatlong torneo ay itinakda sa Jan. 26 sa House of Basketball sa Mies.
Kung mapipiling host ang Pinas, ang susunod na highest-placed finisher sa FIBA Asia Championships sa Changsha matapos ang Pinas ay makakasama sa Olympic qualifier.
Pasok na ang China sa 2016 Rio Olympics matapos makopo ang FIBA Asia title.
Kasunod ng Philippines ay ang Iran at Japan.