MANILA, Philippines - Ito ang araw na ipinangako ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na ihahayag niya ang pinakahuling lalabanan ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Kamakailan ay sinabi ni Arum na opisyal niyang papangalanan ang makakasagupa ni Pacquiao matapos ang bakbakan nina Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. at Cesar Juarez sa Puerto Rico.
Ang mga pinagpipilian para sa magiging pinakahu-ling laban ni Pacquiao sa Abril 9, 2016 ay sina world light welterweight titlist at 2014 Fighter of the Year Terence Crawford, welterweight titleholder Timothy Bradley Jr. at welterweight contender Amir Khan.
Bagama’t may pagkakataon siyang muling labanan si Pacquiao sa ikatlong pagkakataon ay mas gusto ni Bradley na makaharap si Puerto Rican star Miguel Cotto.
“Right now we are negotiating. But we do not know if we’re going to take the (Pacquiao) fight or not,” sabi ni Bradley, tatayong analyst sa magkahiwalay na laban nina Donaire at Puerto Rican Felix Verdejo. “I’m here to work on the TruTV card, with Felix Verdejo and Donaire. But of course, I’m also here to discuss business.”
Sinasabing pipiliin ni Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) si Bradley (33-1-1, 13 KOs) kaysa kina Crawford (27-0-0, 19 KOs) at Khan (31-3-0, 19 KOs).
Ginulat ni Bradley si Pacquiao matapos kunin ang kontrobersyal na split decision win noong 2012 para agawin ang World Boxing Organization welterweight belt bago siya niresbakan ni Pacquiao sa pamamagitan ng unanimous decision sa kanilang rematch noong 2014.
“I’ve faced Pacquiao twice and if I do it a third time it would be a fight of reckoning if anything else,” sabi ni Bradley. “It’s the only way I could describe it. However, Miguel Cotto will be something new.”