MANILA, Philippines – Susundin ng Ateneo ang isang Court of Appeals ruling noong 2002 na nagbabawal sa mga foreigners na kumuha ng coaching job sa professional at collegiate leagues.
Sinabi kahapon ni Basketball Coaches Association of the Philippines president Alfrancis Chua na nagpadala sa kanya ng text message si Ateneo team manager Christopher Quimpo at sinabing susunod sila sa patakaran ng BCAP.
“He (Quimpo) just texted me saying they’ll comply,” wika ni Chua, ang Barangay Ginebra team governor sa PBA.
Kamakailan ay nagbabala si Chua sa pagkuha ng Blue Eagles kay American-Kiwi Tab Baldwin, mentor ng Gilas Pilipinas, bilang coach kapalit ni Bo Perasol.
Payag si Chua na makipag-usap sa Ateneo officials para magpaliwanag at maghanap ng magandang solusyon sa isyu kay Baldwin.
“This can be resolved through discussions and talks and I’m willing to sit down with them, make clarifications and explain everything,” sabi ni Chua.
Sinabi naman ni Ricky Palou, ang kinatawan ng Ateneo sa UAAP board, na kasalukuyan na silang naghahanap ng solusyon.
“I think the University officials will try to work out the issue with BCAP,” ani Palou.
Hindi pa alam kung babawiin ng Ateneo ang pagkakahirang nila kay Baldwin at baka gawin na lang siyang team consultant.
Iginiit ni Chua na hindi maaaring maging coach si Baldwin sa UAAP kagaya ng nangyari sa kaso ng Barako Bull at San Miguel na nagpaupo kay Serbian Rajko Toroman at American Todd Purves bilang head coaches sa PBA.