MANILA, Philippines – Naitakda na ang bakbakan nina dating world four division world champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. at Mexican fighter Cesar Juarez sa dara-ting na Biyernes sa Coliseo Roberto Clemente sa San Juan, Puerto Rico.
Ang hinihintay na lamang ay ang desisyon ng World Boxing Organization kung ituturing ang laban nina Donaire (35-3-0, 23 KO’s) at Juarez (17-3-0, 13 KOs) bilang isang championship fight para sa bakanteng super bantamweight crown.
Matatandaang tinanggalan ng WBO ng super bantamweight belt si Cuban two-time Olympic Games golds medalist Guillermo Rigondeaux (16-0-0, 10 KOs) matapos mabakante ng 11 buwan.
Binigo ni Rigondeaux (16-0-0, 10 KOs) si Filipino contender Drian “Gintong Kamao” Francisco (28-4-1, 22 KOs) sa kanilang ten-round, non-title fight noong Nobyembre 22 sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.
Sa mga susunod na araw ay inaasahan ng Top Rank Promotions na maghahayag ng desisyon ang WBO tungkol sa laban nina Donaire at Juarez.
“We expect an announcement in the coming days,” sabi ni Top Rank vice-president of Operations Carl Moretti. “It will come before the weigh-in and before the fight -- they will know by that time for sure, whether or not they’re fighting for a world title.”
Kasalukuyang nakabinbin ang apela ng kampo ni Rigondeaux sa WBO kaugnay sa pagkakatanggal ng kanyang korona.
Tinalo ni Rigondeaux si Donaire noong 2013 sa kanilang light featherweight world title unification bout.
Sinabi naman ng 32-anyos na si Donaire na hindi siya magkukumpiyansa sa 24-anyos na si Juarez bagama’t may 20 laban lamang ito.
Wala siyang ibang nasa isip kundi ang talunin si Juarez para muling maitaas ang kanyang pangalan sa world boxing scene matapos hirangin bilang Fighter of the Year nang talunin sina Wilfredo Vasquez, Jr., Jeffrey Mathebula, Toshiaki Nishioka at Jorge Arce.
“I’m ready for any opportunity,” sabi ng tubong Talibon, Bohol na si Donaire.