ANGELES, Pampanga, Philippines -- Habang patuloy ang dominasyon nina ‘three-peat’ queen Mary Joy Tabal at back-to-back king Raphael Poliquit sa 42-Kilometer event, isang 12-anyos na anak ng tricycle driver naman ang tahimik na umuukit ng kanyang pangalan sa Milo Marathon.
Napanalunan ni Modrick Cuyom ng Calaca, Batangas ang kanyang pang-apat na sunod na korona sa boys’ 3-kilometer category matapos magposte ng tiyempong sampung minuto at 18 segundo para talunin sina Danilo Cervantes (00:10:37) at Cezar Lapena (00:11:36) sa National Finals ng 39th Milo Marathon dito.
“Habang tumatagal, mas bumibilis ang time ko,” sambit ni Cuyom, pangatlo sa apat na magkakapatid. “Sana next year mas mahigitan ko pa ‘yung oras ko ngayon.”
Inamin ng kanyang amang si Moises na nagsusumikap siyang ma-bigyan ng magandang kinabukasan si Modrick na pangarap maging isang pulis o engineer.
“Kaya nga nagpapa-salamat ako sa kanyang coach na tumutulong sa kanya sa training,” sabi ni Moises. “Iyong sapatos naman niya ay sponsor ng DepEd (Department of Education) kapag nananalo siya.”
Si Modrick ay lubhang naimpluwensiyahan ng kanyang pinsan na si Peter na sumali sa marathon.
Inamin naman ni Moises na hindi kaya ng kanyang kinikita bilang isang tricycle driver ang pambili ng vitamins ni Modrick.
“Gusto ko mang ibili siya ng vitamins para sa pagte-training niya ay hindi ko naman kaya kasi nga isang kahig, isang tuka din kami,” pilit na pinipigilan ang pagpatak ng kanyang mga luha.
Ang panalo ni Modrick, isang Grade 7 student, ang nagbigay sa kanya ng premyong P1,500.
“Alam kong hindi pa ito sapat pero pinaghahatian na lang namin para sa panggastos,” sabi ni Modrick, iniidolo sina Poliquit at five-time Milo National Finals champion Eduardo Buenavista. “Iyong matitira ang pinangbo-blow out ko sa pamilya ko.”
Kumpiyansa si Modrick, sa suporta ng kanyang pamilya, na mararating niya ang kinalalagyan ngayon nina Tabal at Poliquit.
“Siyempre po dapat magsikap talaga ako para makamit ko ang anumang narating nila ngayon,” ani Modrick, nangangarap ring maging isang national team member para makapagbigay ng medalya sa bansa sa hinaharap. (Russell Cadayona)