MANILA, Philippines – Isang panalo na lamang ang kailangan ng Lady Bulldogs para masagpang ang kanilang back-to-back crown.
Hindi na hinayaan ng nagdedepensang National University na makaporma ang Ateneo de Manila University nang kunin ang 91-59 panalo sa Game One ng 78th UAAP women’s basketball championship kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Itinala ng Lady Bulldogs ang kanilang ika-31 sunod na panalo at nakalapit sa pagwalis sa Lady Eagles at pag-angkin sa UAAP title sa pangalawang sunod na season.
Dahil sa kanilang 14-game sweep sa elimination round ay binitbit ng NU ang malaking ‘thrice-to-beat’ advantage kontra sa Ateneo sa kanilang title series.
Muling binanderahan ni back-to-back Most Valuable Player Afril Bernardino ang Lady Bulldogs sa kanyang kinolektang 17 points, 18 rebounds, 3 assists, 2 steals at 5 shotblocks.
Nalimitahan si Hazelle Yam, nagbida sa panalo ng Ateneo laban sa De La Salle University sa semifinals, sa 6 points. (RC)