MANILA, Philippines – Hindi na nagpapigil pa ang Beermen sa pag-angkin sa pangalawang quarterfinals ticket.
Kumolekta si back-to-back Most Valuable Player June Mar Fajardo ng 27 points at 16 rebounds para tulungan ang nagdedepensang San Miguel sa 101-90 paggupo sa Star para makisosyo sa liderato ng 2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagdagdag si one-time PBA MVP Arwind Santos ng 22 markers, 7 boards, 3 assists, 3 blocks at 2 steals para sa ikaapat na sunod na ratsada ng Beermen.
“We know si Arwind may mga bad start ‘yan, but I told him just keep on shooting. So alam naman natin ang kakayanan ni Arwind at ipinakita naman niya,” sabi ni coach Leo Austria kay Santos na nagtakas sa kanila kontra sa Barako Bull, 106-105.
Nalasap naman ng Hotshots ang kanilang ikaapat na dikit na kabiguan.
Ipinoste ng San Miguel ang 15-point lead, 88-73, sa 5:04 minuto ng fourth quarter matapos makadikit ang Star sa 69-71.
Ang dalawang sunod na jumper ni Fajardo ang nagpadyak sa 95-82 kalamangan ng Beermen sa Hotshots sa huling 1:31 minuto.
“The reason for our surge is Arwind and June Mar,” wika ni Austria kina Santos at Fajardo. “They want to win.”
Nagdagdag naman si Alex Cabagnot ng 11 points para sa San Miguel.
Sa unang laro, sinandigan ng Mahindra ang krusyal na supalpal ni point guard LA Revilla kay veteran playmaker Jimmy Alapag sa dulo ng fourth quarter para takasan ang Meralco, 86-83.
Ito ang ikalawang panalo ng Enforcers sa pitong laro.
“We were at the bottom but it’s about the desire to win, to mature quickly. Magandang panalo para sa amin ito,” sabi ni Mahindra mentor Chito Victolero. “Our goal is to go to the play-offs but I told them to play one game at a time.”
Kumolekta si Aldrech Ramos ng 15 points at 9 rebounds, habang nagdagdag ng 14 markers si Mark Yee para sa Enforcers.
MAHINDRA 86 – Ramos 15, Yee 14, Pascual K. 12, Revilla 12, Pinto 10, Canaleta 8, Guinto 5, Laure 5, Dehesa 3, Hubalde 2, Bagatsing 0.
Meralco 83 – David 18, Al-Hussaini 15, Hodge 14, Alapag 10, Amer 10, Buenafe Ryan 6, Atkins 4, Newsome 4, Nabong 2, Dillinger 0, Faundo 0, Hugnatan 0.
Quarterscores: 16-12; 35-39; 58-64; 86-83.
SAN MIGUEL 101 – Fajardo 27, Santos 22, Cabagnot 11, Lassiter 10, Lutz 9, Ross 9, Espinas 8, Tubid 3, Araña 2, De Ocampo 0, Heruela 0, Mabulac 0, Omolon 0, Reyes 0.
Star 90 – Yap 22, Barroca 15, Simon 10, Taha 10, Cruz 7, Pingris 7, Pascual J 6, Mallari 5, Sangalang 4, Maliksi 2, Torres 2, Gaco 0, Melton 0, Pascual 0.
Quarterscores: 19-19; 43-41; 71-65; 101-90.