LOS ANGELES -- Umiskor si Stephen Curry ng 40 points at naghabol ang Golden State Warriors mula sa 23-points, first-half deficit upang igupo ang Los Angeles Clippers 124-117 nitong Huwebes para sa ika-13th sunod na panalo tungo sa kanilang magandang simula ngayong season.
Nagdagdag si Klay Thompson ng 25 points, nagposte si Harrison Barnes ng 21 habang si Draymond Green ay may 19 para sa Warriors, isa sa apat na team sa NBA history na nakapagtala ng 13-0 start sa season.
Ang defending champions ay 6-0 na rin sa road games.
Umiskor si Chris Paul ng season-high na 35 points, kabilang ang 18 para pangunahan ang Clippers sa opening quarter matapos mag-miss ng dalawang laro dahil sa nananakit na right groin. Nagdagdag si Blake Griffin ng 27 points habang si Jamal Crawford ay may 15.
Gumawa ang Warriors ng 25-8 run upang kunin ang kalamangan sa unang pagkakataon matapos buksan ni Curry ang laro sa pamamagitan ng tres bago pinagpahinga ng dahil sa maagang dalawang fouls sa first quarter.
Pumukol si Thompson ng triple para sa 113-112 lead, 2:43 minuto ang natitira. Nabawi ng Clippers ang kalamangan sa tres ni Crawford ngunit ito na ang huli dahil umiskor uli ng tres si Curry at nagtala si Green ng cutting layup bago ang apat na sunod na freethrows ni Curry para sa 122-115 advantage.
Sa Cleveland, umiskor si LeBron James ng 27 points, habang nagdagdag si Kevin Love ng 22 points at 15 rebounds para tulungan ang Cleveland Cavaliers sa 115-100 pagpapatumba sa Milwaukee Bucks.
Tinapos ng Cleveland ang kanilang two-game losing skid at nakabawi sa double-overtime loss sa Milwaukee noong nakaraang Sabado para sa 9-3 baraha.