MANILA, Philippines – Ito ang pagkakataon na hindi na maaaring pakawalan ni dating Filipino world title challenger Drian Francisco kung gusto niyang magkampeon sa buong mundo.
Sasagupain ni Francisco (28-3-1, 22 KO’s) si Guillermo Rigondeaux (15-0-0, 10 KO’s) ng Cuba sa undercard ng laban nina Miguel Cotto at Canelo Alvarez sa Linggo sa Mandalay Bay Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Nang dumating ang alok na labanan ang 35-anyos na si Rigondeaux ay umatras ang 33-anyos na tubong Sablayan, Occidental Mindoro sa isang laban niya noong nakaraang Biyernes sa Philippine Navy Headquarters sa Taguig City.
Si Rigondeaux, isang two-time Olympic gold medalist, ang nagdomina kay Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire Jr. noong 2013.
Tinanggalan siya ng WBO junior featherweight title at ng WBA belt.